Naging kuntento ang pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa inisyal na resulta ng sinimulang terminal assignments ng mga airline company sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni MIAA Assistant General Manager Bryan Co nang simulang ipatupad ang bagong terminal assignments ay may naitala silang 70 pasahero na naligaw ng pinuntahang terminal pero naihatid pa rin naman ang mga ito sa kanilang terminal destination.
Sa ngayon ayon kay Co, mayroong mga nakaantabay na libreng shuttle service na maghahatid kung saang terminal sila dapat na sumakay ng eroplano sakaling maligaw ang mga ito.
Sinabi ni Co, sa ngayon ay bumaba na lamang sa 50 ang mga pasaherong naligaw ng terminal.
Mahalaga ayon sa opisyal ang maayos na pagpapahatid ng impormasyon sa mga pasahero na siyang ginagawa ng airline companies at maging ng media.
Magtatagal ng isang buwan ang libreng shuttle service na nagsimula noong April 16 at magtatagal hanggang May 16 o hanggang bumaba na ang bilang ng mga pasaherong naliligaw ng terminal na pupuntahan.
Layunin ng bagong terminal assignments na mabawasan ang congestion ng mga eroplano at ma maximize naman ang gamit sa ibang terminal.