Manila, Philippines – Dumistansya si Justice Sec. Menardo Guevarra sa kasong isinampa ng NBI laban kay dating Customs Commissioner Isidro Lapeña.
Ayon kay Guevarra, ipinauubaya na niya sa prosekusyon ang pagdedesisyon sa kasong graft at administratibo na isinampa ng NBI laban kay Lapeña kaugnay ng pagkawala ng 105 containers sa Port of Manila.
Mayroon aniya kasing Supreme Court jurisprudence na nagsasabing may hurisdiksiyon ang DOJ sa lahat ng reklamong katiwalian at korapsyon.
Maari ring isailalim ng DOJ sa preliminary investigation at i-endorso sa Ombudsman ang anumang resolusyon kung ang opisyal ay may salary grade 27 pataas o kaya naman ay isampa sa regional trial court ang kaso kung salary grade 26 pababa ang inirereklamong opisyal.
Subalit mayroon ding memorandum of agreement na nilagdaan ang DOJ at Office of the ombudsman na nagsasaad na lahat ng mga graft and corrupt complaints laban sa mga opisyal ng pamahalaan na nasa salary grade 27 pataas, ay otomatikong i-endorso ng DOJ sa Ombudsman para syang magsagawa ng preliminary investigation.
Ang Customs Commissioner ay may Salary grade 30.