Inaatasan ng Makabayan Bloc ang House Committee on Justice na imbestigahan ang umano’y iregular na pag-iisyu ng search warrant na nagresulta sa pagaresto sa mga aktibista at mga miyembro ng mga progresibong organisasyon.
Nakasaad sa House Resolution 1427 na inihain ng mga kongresista ng Makabayan na isang journalist at anim na trade unionists ang ilegal na inaresto ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) gamit ang inisyung kwestyunableng search warrants mula sa QC-RTC noong December 10 habang ginugunita ang International Human Rights Day.
Bunsod nito ay naalarma ang Commission on Human Rights (CHR) lalo pa’t ginawa ang iregular na operasyon at pag-aresto ng mga otoridad sa gitna ng kasagsagan ng red-tagging sa mga aktibista at human rights workers.
Tinukoy pa sa resolusyon na hindi lamang ito ang unang pagkakataon na nagsagawa ng magkakasunod na raids ang mga pulis at sundalo laban sa mga lehitimong organisasyon na kung saan ang mga leaders, members, at mga aktibista na naaresto ay itinuring na terorista at kabilang sa mga terrorist groups.
Pinapasilip din ng Makabayan ang kwestyunableng search warrants na iniisyu ni QC-RTC Executive Judge Cecilyn Burgos-Villavert dahil sa kapansin-pansing pattern ng mga pag-aresto sa mga nire-red tagged na kalaban ng estado at mga itinuturing na terorista.
Dahil dito ay umapela ang Makabayan na agad masiyasat ng Kamara ‘in aid of legislation’ kung sumobra ang mga otoridad sa paggamit ng kapangyarihan laban sa mga kritiko ng pamahalaan.