Manila, Philippines – Nagbabala si House Committee on Good Government and Public Accountability Chairman at Surigao Rep. Johnny Pimentel na ipaaaresto ang mga lokal na opisyal ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija kabilang si Governor Czarina Umali.
Sinabi ni Pimentel ito kasunod ng hindi pagdalo sa pagdinig ng mga opisyal ng Nueva Ecija kaugnay sa korapsyon at iregularidad sa quarrying operations sa lalawigan.
Ayon pa kay Pimentel, si Governor Umali lamang ang nagpadala ng sulat sa kanyang komite na hindi ito makadadalo dahil sa naunang commitment gayunman hindi tinanggap ng komite ang rason ng gobernadora.
Inisyuhan din ng komite ng Show Cause Order si Gov. Umali, ang tatay nito na dating gobernador na si Aurelio Umali at iba pang matataas na opisyal ng Nueva Ecija na idinadawit sa Quarrying Operation dahil sa pangi-isnab sa pagdinig.
Pinagpapaliwanag nila ang mga ito kung bakit hindi sila dapat i-cite for contempt sa hindi pagdalo sa imbestigasyon.