Manila, Philippines – Gustong ipa-disqualify ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang halos 600 opisyal na sangkot sa droga, korapsyon at katiwalian.
Isang linggo ito bago opisyal na simulan ang paghahain ng kandidatura para sa 2019 mid-term elections.
Sabi ni DILG officer-in-charge Gen. Eduardo Año – irerekomenda niya sa COMELEC ang pag-disqualify sa 93 halal na opisyal na nasa narco list ng gobyerno oras na maghain sila ng Certificate of Candidacy.
Puntirya din ng DILG ang nasa 300 lokal na opisyal na na-dismiss o nasuspinde mula taong 2016 dahil korapsyon at iba pang reklamo gayundin ang 200 iba pa na inimbestogahan ng ahensya.
Samantala, ngayon pa lang, duda na si Election Lawyer Atty. Romulo Macalintal na papasa ito sa COMELEC.
Maaari lang kasi aniyang ma-disqualify ang isang kandidato kung may maghahain ng disqualification case at hindi basta-basta dahil lang sa rekomendasyon ng ahensya ng gobyerno.
Bukod dito, wala ring final conviction sa korte ang mga taong nais ma-disqualify ng DILG.