IREREKUNSIDERA | Magnificent 7, hihintayin muna ang final quo warranto decision ng Korte Suprema bago maghain ng impeachment complaint laban sa 8 mahistrado

Manila, Philippines – Irerekunsidera muna ng Magnificent 7 ang paghahain ng impeachment complaint laban sa walong Mahistrado na bumoto pabor sa quo warranto decision laban kay dating Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman, hihintayin muna nila ang final decision ng Korte Suprema sa quo warranto petition sa ihahaing motion for reconsideration ng kampo ni Sereno.

Aniya, kapag ikinunsidera ng walong justices at binawi ang naunang desisyon sa quo warranto petition posibleng hindi na nila itutuloy ang paghahain ng impeachment complaint.


Pero, kapag itinuloy pa rin at pinanindigan ng walong mahistrado ang kanilang mga boto ay mapipilitan ang oposisyon na maghain ng impeachment.

Kapag nanaig pa rin ang desisyon sa quo warranto laban kay Sereno, target ng oposisyon na maghain ng impeachment complaint laban sa walong mahistrado sa una o ikalawang Linggo ng Hunyo.

Sinabi pa ni Lagman na anim na sila sa Magnificent 7 na pipirma para sa ihahaing reklamo at mangangampanya pa sila sa mga kasamahan para makahimok ng pirma at suporta sa impeachment complaint laban sa walong mahistrado.

Facebook Comments