Dapat na iwasan ang iresponsableng pag-iingay oras na simulan na ang pamamahagi ng COVID-19 vaccine sa Pilipinas.
Ito ang panawagan ni Vice President Leni Robredo sa harap ng takot ng mga Pilipino na magpabakuna na idinulot ng kontrobersyal na Dengvaxia vaccine.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, binatikos ni Robredo ang aniya’y “irresponsible noise-making” na kahit papaano ay nakaka-impluwensya sa isang tao na magdesisyon nang mali tungkol sa pagpapabakuna.
“Hindi naman masamang mag-ingay e, pero iyong pag-iingay, irresponsible na parang iniimpluwensiyahan mo ‘yong pag-iisip ng tao na ‘yong pagdesisyon niya magiging mali, iyon ‘yong masama. Sana sa COVID-19, hindi ganyan,” ani Robredo.
Binanggit din ng pangalawang pangulo ang pagbalik ng mga sakit gaya ng polio na maiiwasan sana kung hindi nagkaroon ng takot at duda sa pagpapabakuna ang mga tao.
“Nakita naman natin na grabe yung ingay sa Dengvaxia, apektado yung lahat ng sakit na dapat wala na sana sa atin. Halimbawa yung polio. Yung polio, na-eradicate na yun e pero dahil ayaw na naman ng mga taong magpabakuna, bumalik ulit. Napakahirap non kasi taon yung ginugol para makahanap ng lunas dun sa sakit na yun,” dagdag pa ng bise president.
Samantala, pabor din si Robredo sa mungkahi na maunang magpabakuna ang matataas na opisyal ng gobyerno kung ang layon nito ay mapataas ang kumpiyansa ng mga tao sa bakuna.
“Kung ang dahilan ay ma-encourage ‘yung confidence sa kaligtasan ng bakuna, tama ‘yon. Pero hindi siya tama kung ang dahilan gusto lang siya yung unang maprotektahan. Kasi dapat ang unang maprotektahan, yung pinaka-expose at nagsang-ayon ako na healthcare workers ‘yon,” ang pahayag ni Robredo.