Pinapaimbestigahan ni Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera ang umano’y iresponsableng pagbubukas ng gates ng mga dams at mga iligal na aktibidad sa mga watersheds na naging dahilan ng paglubog ng maraming lugar sa Luzon sa kasagsagan ng Bagyong Ulysses.
Sa House Resolution 1345 na inihain ni Herrera, pinasisilip nito ang pagbubukas ng anim na dams – ang Angat, Ipo, La Mesa, Ambulao, Binga, San Roque at Magat na itinuturong dahilan sa biglang pagtaas ng baha sa Metro Manila, Isabela, Pangasinan, Benguet, at Cagayan.
Kailangan aniyang imbestigahan ito upang malaman ang pananagutan ng mga dam operators sa mga casualties lalo na sa pagkawala ng buhay at pagkasira ng maraming kabuhayan at ari-arian.
May mga reports umano siyang natanggap na lumabag sa protocol ang mga dam dahil walang abiso, at biglaan ang pagbubukas ng mga floodgates sa halip na dahan-dahan dapat ang pagpapakawala ng tubig.
Samantala, sa House Resolution 1346 na inihain din ng Lady solon ay pinapasiyasat nito ang patuloy na illegal logging at quarrying activities sa watershed sa Marikina na nagpabaha sa ilang mga lungsod sa Metro Manila.
Dahil sa patuloy na iligal na aktibidad sa watershed ay nasasayang ang efforts para sa rehabilitation at reforestation na siya sanang first-line of defense sa pagtaas ng baha tuwing may bagyo o malakas ang ulan.