
Mariing kinondena ni National Security Adviser Eduardo Año ang aniya’y “iresponsableng testing” ng Long March 12 rocket ng China, na nagdulot ng matinding alarma at panganib sa mga residente ng Palawan.
Ayon kay Año, na siya ring director general ng National Security Council, malalakas na pagsabog mula sa paglulunsad ng rocket ng China ang nagdulot ng takot sa mga residente ng Puerto Princesa at iba pang mga bayan, lalo na sa mga baybaying barangay.
Aniya, ilang residente ang nakakita ng tila “fireball” na dumaan sa kalangitan bago ito sumabog at yumanig sa lupa.
Bagama’t walang naiulat na nasaktan o nasirang ari-arian, iginiit ni Año na ang mga bumagsak na debris mula sa rocket ay malinaw na banta sa kalupaan, sasakyang-dagat, eroplano, mga mangingisda, at iba pang sasakyang maaaring dumaan sa drop zone.
Dagdag pa nito, posible ring lumutang ang ilang bahagi ng debris at mapadpad sa kalapit na baybayin.
Sa ngayon, sinabi ni Año na naka-deploy na ang mga surface at aerial asset ng gobyerno upang hanapin ang mga posibleng debris na kaugnay ng pagsabog mula sa paglulunsad ng Chinese rocket mula Hainan Island.
Mahigpit naman nitong paalala na ipinagbabawal ang pagkuha o paglapit sa mga debris na maaaring naglalaman ng toxic fuel residue.









