Thursday, February 26, 2026

Iringan sa pagitan nina Senator Ping Lacson at Senator Rodante Marcoleta, idinaan sa liham

Lumipat naman sa sulat ang patutsadahan nina Senate President pro-tempore Ping Lacson at Senator Rodante Marcoleta patungkol pa rin sa usapin ng Kalayaan Island Group (KIG).

Sa liham ni Marcoleta noong Lunes, humingi ito ng paglilinaw kay Lacson ukol sa post sa official Facebook nito noong February 5 kung saan makikita ang spliced videos na pinalilitaw na ipinasusuko niya ang nabanggit na teritoryo.

Malayo aniya ito sa katotohanan batay sa official transcript at ang video ay ignorante at malisyosong ginamit dahil walang konsiderasyon sa context o sa gusto niya talagang iparating.

Wala aniya itong ibang pakay kundi ang iligaw at mag-udyok ng galit at pagkakahati-hati ng publiko.

Sinagot naman ito ni Lacson ng isang sulat din noong February 24, at iginiit niyang hindi siya ang nag-edit at nagpapost ng video na inaalmahan ni Marcoleta.

Ang video aniya ay mula sa live broadcast ng pagdinig ng Commission on Appointments na ginamit din ng maraming media.

Giit ni Lacson, kung nagkaroon man ng backlash ito ay dahil sa orihinal na post at hindi sa kanyang social media page.

Facebook Comments