Pinabubuwag ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang interim reimbursement mechanism (IRM) ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Giit ng senador, pagbibigay lang ng cash advances sa mga ospital at healthcare facilities ang ginagawa ng IRM sa halip na magbigay ng reimbursement na siya dapat layunin ng programa.
Katunayan ayon kay Drilon, hindi na kailangan pa ng IRM kung aayusin lang ng PhilHealth ang payment system nito.
Hinimok naman ni Senador Ralph Recto ang mga cabinet official na miyembro ng PhilHealth board na bumuo ng polisiya para mapabuti ang IRM sa gitna ng mga isyu hinggil sa implementasyon nito.
Tinukoy ni Recto ang mga kalihim ng Department of Budget and Management, Department of Finance, DOH, DSWD at DOLE.
Para kay Recto, hindi masama ang IRM pero kailangan aniyang resolbahin ang problema ng korapsyon, kutsabahan at inefficiency ng pagpapatupad nito.