Iginiit ni Senator Francis Tolentino na hindi na kailangan ng Implementing Rules and Regulations (IRR) sa inaprubahang Senate Bill 2432 o ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.
Isinulong ni Tolentino ang amyenda sa panukalang batas kung saan hahayaan itong maging self-executory o epektibo oras na malagdaan ng pangulo na hindi na kailangan pang maglatag ng IRR.
Giit ng senador ay kalimitang pampagulo lang ang IRR at iniiba nito ang laman ng batas.
Aniya, ito ang unang pagkakataon na nagsingit ng probisyon sa final section ng panukalang batas kung saan nakasaad na magiging epektibo ang batas sa loob ng 15 araw matapos mailathala sa Official Gazette o sa kahit anong pahayagan na may general circulation.
Umaasa naman si Tolentino na ang aplikasyon ng nasabing probisyon sa ipinasang panukala ay magsisilbing template ng lahat ng mga batas sa hinaharap.