Inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang binalangkas na implementing rules and regulations (IRR) ng Transition Committee ng Department of Migrant Workers (DMW) para sa pagiging ganap ng bagong departamentong ito.
Ibig sabihin, hindi ang binalangkas na IRR ni DMW Secretary Abdullah Mama-o ang inaprubahan ng pangulo.
Sa memorandum na ibinaba ni Executive Secretary Salvador Medialdea, binigyang diin na ang Transition Committee ang naatasang mag-facilitate ng ganap at full operation ng departamento, hindi bababa sa dalawang taon matapos maging epektibo ang batas na bubuo rito.
Ang komite rin aniya ang naatasang bumuo ng IRR para sa departamento.
Bilang pagkilala sa kapangyarihan ng komite na itinatakda ng batas, walang naging pagtutol si Pangulong Duterte sa isinumiteng regulasyon nito para sa departamento.
Pirmado na ng kalihim ang memo noong Abril 18.