IRR ng SIM Registration Act, tatapusin ng NTC sa loob ng 60 araw

Kinumpirma ng National Telecommunications Commission (NTC) na tatapusin nila ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng SIM Registration Act sa loob ng dalawang buwan o 60 araw.

Ayon kay NTC Commissioner Gamaliel Cordoba, ang pagbuo ng IRR ng nasabing batas ay sasailalim sa kontrol at superbisyon ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at ang NTC ay makikipag-ugnayan sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) at National Privacy Commission (NPC).

Tiniyak din ni Cordoba na ang privacy ng mga subscribers ay hindi mapapakialaman.


Ito aniya ang utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na siguraduhin na ang mga private data ay hindi makukuha ng mga masasamang loob.

Matatandaang, nilagdaan kahapon ni Pangulong Bongbong Marcos ang SIM Card Registration Act na layon maprotektahan ang mga Pilipino laban sa cybercriminals at online scammers.

Samantala, welcome development sa CICC ang naturang batas, kung saan sinabi nito na malaking tulong ito para mabilis na matukoy ang mga hacker at scammer at magbibigay rin ng proteksyon sa responsible users.

Facebook Comments