IRR para sa pagbuo ng Office of the Judiciary Marshals, inilabas na ng Korte Suprema

Inilabas na ng Korte Suprema ang Implementing Rules and Regulations (IRR) kaugnay sa Judiciary Marshals Act na layong tuluyang maipatupad ang pagtatatag ng Office of the Judiciary Marshals.

Isinabatas ang panukala noong 2022 na layong tugunan ang pagtaas ng krimen na puntirya ang mga miyembro ng Hudikatura kung saan karamihan sa mga ito ay hindi pa nareresolba.

Sa ilalim nito, ang Judiciary Marshals ang naatasan na siguruhin ang kaligtasan ng mga husgado, court personnel at mga pag-aari ng Korte kasabay ng pagpapanatili sa integridad ng court proceedings.


Sila rin ang nakatoka sa pag-iimbestiga ng mga threat o banta at magsagawa ng pag-arestong naaayon sa batas kasama na rin ang seizure o pagkumpiska kung kinakailangan.

Tutulong din sila sa pagpapatupad ng writs at court processes.

Kaugnay nito, ang judicial marshals din ang naatasan sa pagbibigay proteksiyon sa mga testigo at paghahatid sa mga akusasong indibidwal kapag iniutos ng Korte.

Ayon pa sa SC, ang naturang tanggapan ang may kapangyarihan na mag-imbestiga sa mga krimeng ginawa laban sa mga miyembro ng Judiciary at sila rin ang mag-iimbestiga sa mga alegasyon ng katiwalian sa hanay ng judicial system.

Para naman matiyak na magiging epektibo, sasailalim muna ang judicial marshals sa training bago bigyan ng armas.

Ang Office of the Judiciary Marshals ay pamumunuan ng chief marshal at magkakaroon ng kinatawan na deputy marshals mula Luzon, Visayas at Mindanao.

Facebook Comments