IRRIGATION CANAL NG NIA-EAA SA ALLACAPAN, NASIRA

Nasira ang isang irrigation canal ng National Irrigation Administration-East Apayao Abulug (NIA-EAA) na matatagpuan sa bayan ng Allacapan, Cagayan dulot ng nararanasang malakas at walang tigil na pagbuhos ng ulan.

Ito ay na wash-out sa kabila ng pagpapasara ng NIA-EAA sa main gate ng kanilang irrigation system sa Sitio Culibong, Barangay Daan-Ili, Sta. Marcela Apayao noong Oktubre 11, 2022.

Sa ibinahaging impormasyon ng Cagayan Provincial Information Office (CPIO), sinabi ni Engr. Jayson Bryan T. Teano, ang Acting System Head ng NIA-EAA na ang pagkasira ng irrigation canal ay hindi naman umano ang dahilan sa pagtaas ng lebel ng tubig o pagbaha ng kalsada at mga kabahayan sa naturang barangay kundi ang tubig-ulan na nagmumula sa mga bundok.

Ayon sa NIA-EAA, mayroon pa silang ibang canal na nasa 20 hanggang 30 metro ang layo mula sa naturang barangay kung saan doon mapupunta ang tubig na nanggagaling sa nasirang irigasyon.

Sinabi naman ng pamunuan ng NIA-EAA na agad uumpisahan ang pagsasaayos sa nasirang canal sa oras na bumuti na ang lagay ng panahon.

Samantala, kasalukuyang pa rin na lubog sa baha ang malaking parte ng bayan ng Allacapan kung saan maraming barangay ang nalubog sa baha, mga pamilya na lumikas, palayan na nasira at maging sa imprastraktura.

Kaugnay nito, dahil sa naging epekto ng bagyo sa lugar, inirekomenda na rin ng MDRRMO Allacapan na magdeklara ng State of Calamity sa bayan.

Facebook Comments