Isinusulong ni Cagayan Governor Manuel Mamba na bawasan na ang irrigation capacity ng Magat Dam para sa 85,000 hectares na agricultural lands.
Kasunod na rin ito ng mga pagbahang nararanasan sa probinsya dahil sa banta ng pag-apaw ng Cagayan River bunsod ng pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam.
Sa interview ng RMN Manila, binigyan diin ni Mamba na dahil sa illegal logging, 50% ng watershed ng Magat Dam ay nasira na, kaya ang inilalabas aniya na tubig ng dam sakaling maabot nito ang spilling level ay diretso na sa Cagayan River.
Giit pa ni Mamba, dahil 38-years old na ang isa sa pinakamalaking dam sa bansa, hindi na rin dapat pinupuno ito dahil sa panganib na posibleng idulot nito.
Kasabay nito, kinumpirma ng gobernador na dahil sa muling pag-taas ng tubig sa Cagayan River, nagsagawa sila ngayon ng pre-emptive evacuation sa 550 indibiduwal sa apat o limang barangay sa Tuguegarao City.