Ibinunyag ni North Cotabato Governor Lala Mendoza hindi nakakatulong sa mga magsasaka sa North Cotabato ang multi-million Solar-Powered Irrigation System Project ng Department of Agriculture (DA) na pinasimulan noong 2017.
Aniya, mismong si Agriculture Secretary Manny Piñol ang kumokontra sa proyekto ng DA na makakatulong sa mga magsasaka.
Una nang ipinarating ni Mendoza kay Piñol sa pamamagitan ng Twitter na hindi gumagana ang Solar-Powered Irrigation dahil pawang mga sira ito,
Sa halip ay nag-post ang kalihim sa kanyang Facebook noong Marso 23, 2019 at sinabi nito na sinasalungat ng ilang politiko sa Cotabato ang Solar-Powered Irrigation System Projects ng DA.
Sa kanyang inilabas na statement, nilinaw ni Mendoza na ang kasalukuyang pamunuan ng probinsya ay bukas sa lahat ng tulong mula sa mga ahensya ng gobyerno at kailanman ay hindi naging hadlang sa mga proyektong ikauunlad ng mga taga Cotabato.
May karapatan aniya ang LGU na magtanong, mag-usisa at mapagmasid mula sa pagpaplano hanggang sa aktual na implementasyon dahil pera ng taumbayan ang ginagamit dito.
Sabi pa ni Mendoza kabilang sana na makikinabang sa irigasyon ang mga lugar ng Aroman, Carmen, Kitubod, Libungan, Pisan, Kabacan, Poblacion 1, Banisilan, Palma Perez, Mlang , Nabundasan at Tulunan.
Sa kabila nito, umaasa pa rin ang LGU na masolusyunan ng DA ang problema sa patubig para sa kapakinabangan ng mga magsasaka lalo pa at tumitindi ang epekto ng El Niño sa North Cotabato.