Tinukoy ni Senator Raffy Tulfo na 500 proyekto ng National Irrigation Administration (NIA) ang may problema, natengga, inabandona, hindi tinapos at pinabayaan ng ahensya.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, inilatag ni Tulfo ang sampu sa 500 irrigation projects na ininspeksyon ng NIA inspection and assessment team na mali ang pagkagawa o may problema sa proyekto.
Kabilang sa mga binanggit na proyekto ni Tulfo ay ang Sta. Josefa Pump Irrigation Project na aabot sa ₱119.247 million at ang Umayam River Irrigation Project na may pondong ₱258.142 million na iniuugnay kay NIA Deputy Administrator C’zar Sulaik.
Aniya, ang Sta. Josefa Pump Irrigation Project ay kumukolekta na ng pondo para sa maintenance kahit hindi pa tapos ang proyekto at posible rin umano na may ‘double funding’ para sa ghost projects kung saan si Sulaik ang regional director ng Region 13 nang mga panahon na iyon.
Samantala, ang Umayam River Irrigation Project ay mali at substandard din ang pagkakagawa at batay pa sa assessment and analysis ng NIA, nang bumisita si Sulaik doon ay inutusan niya ang regional office na huwag nang ayusin ng contractor ang nasirang kanal.
Katwiran naman ni Sulaik, noong ipatupad ang mga proyekto noong 2019 ay nasa Central Office na siya ng ahensya kaya wala siyang alam sa mga ginagawang irrigation project.
Pero hirit naman ni Tulfo, kahit nasa Central Office na noon si Sulaik ay mayroon pa rin itong direct supervision sa implementasyon ng proyekto.
Nagmatigas naman si Sulaik sa pagsasabing hindi siya ang direktang nagpapatupad ng proyekto at ang ginagawa niya ay nag-e-evaluate sa accomplishment ng regional directors kaya naman hindi rin siya sangkot sa mismong implementasyon ng mga proyekto.
Hiningi ni Tulfo sa NIA ang listahan ng mga proyekto ng ahensya sa buong bansa para ito ay mapuntahan at masuri kung ano na ang status at tiniyak na may mapapanagot oras na mapatunayang napabayaan at hindi natapos.