
Kinumpirma ng Bureau of Fire Protection o BFP na isa na ang nasawi at apat ang sugatan sa nangyaring sunog sa Brgy. Namayan, Mandaluyong City.
Hindi pa binanggit ang pagkakakilanlan ng nasawi pero ang mga nasagutan ay nakilalang sina Jandie Ramos Abaluna, 29 anyos na nagtamo ng 2nd degree burn sa kanang bahagi ng tiyan at kanang sakong, Enzo Agustin, 21 anyos isang fire volunteer na nahiwa ang kanang kamay, Grace Ann Javido, 54 anyos at Regie Garce, 55 anyos na nahiwa ang gitnang daliri at isang fire volunteer.
Ayon sa isinagawang imbestigasyon ng BFP, nagsimula ang sunog ganap na 6:16 kaninang umaga at naapula 7:33 ngayong umaga kung saan isa ang kumpirmadong nasawi at apat ang sugatan sa 360 JP. Rizal St. Brgy. Namayan, Mandaluyong City.
Paliwanag pa ng BFP, agad na naapula ang apoy makaraang mabilis na rumesponde ang mga kagawad ng pamatay sunog kung saan umabot ito ng ikalawang alarma.
Hindi pa matukoy ng mga tauhan ng BFP kung ano ang sanhi ng sunog at kung magkano ang kabuuang pinsala.