ISA KRITIKAL, APAT PA SUGATAN SA PAGSABOG NG ILEGAL NA PAGAWAAN NG PAPUTOK SA DAGUPAN CITY

Isa ang nasa kritikal na kondisyon habang apat pang iba ang sugatan matapos ang pagsabog sa umano’y ilegal na pagawaan ng paputok sa Barangay Tebeng, Dagupan City, nitong Linggo, Nobyembre 16.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) Dagupan, naganap ang insidente bandang 3:40 ng hapon, na nagdulot ng malakas na pagyanig maging sa mga kalapit na barangay na agad namang nirespondehan ng mga awtoridad.

Batay sa ulat, apat sa mga nasugatan ang nakalabas na ng ospital, habang isa ang patuloy na inoobserbahan dahil sa kritikal na kondisyon.

Sa isinagawang imbestigasyon, sinabi ng BFP na walang naipakitang permit o clearance ang pagawaan ng paputok.

Lumabas din na hindi ito sumusunod sa itinatakdang safety protocols ng ahensya.

Kasama ang Philippine National Police (PNP), tinitingnan na ang mga posibleng paglabag ng mga nasa likod ng operasyon upang masampahan sila ng kaukulang kaso.

Nagbabala rin ang BFP hinggil sa panganib na dulot ng mga ilegal na pagawaan ng paputok, lalo na’t gumagamit ang mga ito ng black powder, isang kemikal na madaling masunog at may masamang epekto sa kalusugan.

Binigyang-diin ng ahensya na kinakailangan ang kumpletong permit, clearance at pagsunod sa standards para sa sinumang nagnanais gumawa o magmanufacture ng paputok.

Facebook Comments