Katulad ng Pharmally Pharmaceutical Corporations ay isa na namang maliit na kompanya ang umano’y pinaboran din ng multibillion na kontrata ng gobyerno para sa pandemic supplies.
Sinabi ito ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa ika-10 pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa pagbili ng Procurement Service of the Department of Budget and Management o PS-DBM ng hinihinalang overpriced na pandemic supplies.
Ang tinutukoy ni Pangilinan ay ang Element Trade Limited na nakakuha ng P6.98 billion na halaga ng kontrata sa PS-DBM.
Diin ni Pangilinan, base sa mga dokumento mula sa PS-DBM ay nasa $10,000 lamang o katumbas na P500,000 ang kapital ng Element Trade Limited at naitatag noon lamang April 2020.
Sabi ni Pangilinan, katulad ito ng kompanyang Pharmally na kahit P625,000 lamang ang kapital ay nakakuha ng bilyon-bilyong pisong halaga ng kontrata sa PS-DBM.