Isa na namang pasahero, naiwan ng eroplano sa NAIA dahil sa mahabang pagtatanong ng Immigration officer

Isa na namang pasahero ang naiwan ng flight matapos ang mahabang proseso ng pagtatanong ng Immigration officer (IO) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Sa kanyang Facebook post na nag-viral, sinabi ni Aldrin Edward Clark Bicomong na mahigit tatlong oras bago ang kanyang flight nang dumaan siya sa Immigration counter.

Aniya, matapos ang unang pagtatanong sa kanya ay pinahintay muna siya ng Immigration officer para sa ikalawang set ng pagtatanong.


Sinabi ni Bicomong na ang mga tinanong siya sa ikalawang interview ay pareho lamang ng mga naitanong sa unang interview.

Aniya, nasagot naman niya at naibigay lahat ng impormasyon na hiningi ng Immigration officer dahil siya ay first time traveler.

Matapos aniya nito ay hindi pa rin siya pinayagan ng Immigration officer na makapunta ng boarding gate at sinungitan pa siya nito.

Nang makaalis na niya ang eroplano ng Jetstar na kanya sanang sasakyan ay saka lamang siya pinayagang makapunta ng boarding gate ng Immigration officer at dahil nakaalis na ang aircraft ay sinabihan na lamang siya ng IO na magpa-rebook na lamang ng kanyang ticket.

Sinabi ni Bicomong na nasayang ang kanyang pinag-ipunang ₱15,000 at sa halip aniya na makapag-unwind siya sa ibang bansa ay matinding stress at trauma ang kanyang inabot.

Facebook Comments