Isa pang Cessna plane, nawawala sa Bicol; search and rescue ops, ipagpapatuloy ngayong araw

Isa na namang Cessna plane ang napaulat na nawawala sa Bicol kahapon.

Ayon kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Spokesperson Eric Apolonio, alas-6:43 ng umaga nang lumipad mula sa Bicol International Airport (BIA) ang Cessna 340 na may registry number na RP-C2080.

Huling na-contact ng air traffic controllers ang eroplano alas-6:46 ng umaga sa bisinidad ng Camalig, Albay sa taas na 2,600 feet.


Lalapag sana ito sa Manila ng alas-7:53 ng umaga.

Sakay ng eroplano ang apat na katao kabilang ang piloto, crew at dalawang pasahero na hindi muna pinangalanan ng CAAP.

“Yung nationality hindi namin pwede i-devulge even the names dahil sa Privacy Act, talagang hindi po pwede especially kapag search and rescue pa lang,” saad ni Apolonio.

Ngayong araw ay ipagpapatuloy ng search and rescue team ng paghahanap sa Cessna plane.

“Nang mag-lost contact, in-advise namin ang tower sa ibang airport, negative. So, immediately, nag-issue kami ng distress call at nag-issue ng search and rescue. Nasimulan din po ito nung hapon mismo, kasi nawala ito umaga. Unfortunately, dumilim at wala pa ring nakita,” ani Apolonio.

“Definitely, ngayong umaga, tuloy-tuloy yung paghahanap ng ating nawawalang aircraft sa tulong ng Camalig Disaster Risk Reduction and Management Council group,” dagdag niya.

Inaasahang tutulong din sa paghahanap sa eroplano ang Philippine Air Force, Philippine Coast Guard at ang Office of Civil Defense.

Nito lang Enero nang mawala ang isa ring Cessna plane sa bahagi ng Isabela.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nakikita.

Facebook Comments