Isa pang executive session para sa vaccine procurement ng pamahalaan, ikakasa pa – Senado

Magkakaroon pa ng isang executive session ang Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa pagbili ng pamahalaan ng COVID-19 vaccine.

Una nang sinabi ni Blue Ribbon Committee Chairman Francis Tolentino na ang executive session ay para maibahagi sa kanilang mga senador ang nilalaman ng mga non-disclosure agreement (NDA) ng gobyerno sa vaccine manufacturers.

Dagdag pa ng senador, pag-uusapan rin nila dito kung saan napunta ang mga bakuna.


Aniya, bagama’t sinabi nina Department of Health (DOH) Officer-in-Charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire at dating Finance Secretary Sonny Dominguez na maliit na porsyento lang ng mga bakuna mula sa national government ang hindi nagamit, uusisain pa rin nila ang 44 million doses ng COVID-19 vaccines na nasayang para hindi na ito maulit sa hinaharap.

Samantala, iginiit ni Tolentino na isa sa mga positibong naging resulta ng ikinasa nilang pagdinig bago mag-recess ang sesyon ay ang pagsasabi ng Department of Health (DOH) at Department of Finance (DOF) na sakaling bibili ulit ng mga bakuna ang gobyerno ay gagamitin na nila ang solicitor general para magkaroon ng abugado ang pamahalaan sa pakikipagkasundo sa mga vaccine manufacturer.

Giit ng mambabatas, mas mainam na mga abugado ang nakatingin sa mga kontrata para mapag-aralan itong mabuti at hindi maagrabyado ang bansa.

Facebook Comments