Patuloy ang paghuli ng Land Transportation Office (LTO) sa mga fixer sa ahensya.
Ito’y matapos na mahulog sa isang entrapment operation ang isa pang fixer, kasama ang dalawang tauhan ng LTO-accredited driving school ang nahuli sa isang entrapment operation sa Region 6.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Jose Arturo Tugade, ikinasa ang operasyon matapos mag-alok ang isang hinihinalang fixer ng pag-iisyu ng Theoretical Driving Course (TDC) certificate of completion nang hindi kinuha ang mismong kurso kapalit ng bayad na P2,000.
Sa isinagawang entrapment operation, isang poseur-client ang nakipag-ugnayan sa umano’y fixer at tumuloy sa driving school malapit sa gusali ng LTO Region 6.
Nang maibigay ang marked money sa fixer at sa mga tauhan ng driving school kasama ang pag-iisyu ng TDC certificate, agad na inaresto ang mga suspek ng mga tauhan ng LTO Region 6 at Philippine National Police (PNP) operatives mula sa Jaro Police Station.
Nakakulong na ngayon ang tatlong suspek habang hinahanda na ang kaso laban sa kanila.
Iniutos nang ipasara ang accredited driving school at pinatawan ng 60 days suspension ang ang kanilang kawani habang isinasagawa pa ang imbestigasyon.