Isa pang grupo ng mga bus company, humihirit na rin ng taas singil sa pasahe

Isa pang grupo ng bus company ang naghain ng petisyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa taas singil sa pamasahe.

Ayon sa Mega Manila Consortium, humihirit sila ng pitong piso na provisional increase sa unang limang kilometro para sa air-conditioned Public Utility Buses at itaas din sa ₱15 ang minimum fare naman para sa mga ordinary bus.

Sabi ni internal affairs officer Julie de Jesus, layon nitong matulungan ang operators sa pagpapasweldo sa mga driver at kundoktor sa gitna ng patuloy na pagsipa ng presyo ng petrolyo.


Paliwanag ni de Jesus, mababawasan ang mga bus na bumibiyahe sa lansangan kung walang magiging taas pasahe dahil maliit na lamang ang kanilang kinikita.

Sa mahigit 500 aniya nilang bus units na bumibiyahe sa ruta ng EDSA Carousel ay nasa 80 porsyento na lamang ang nag-ooperate dahil sa mataas na presyo ng diesel.

Bahagya lamang aniyang naiibsan ito dahil sa Service Contracting Program o libreng sakay ng pamahalaan na nagbibigay sa kanila ng kompensasyon.

Facebook Comments