Isa pang hiwalay na panukala na paglikha ng Maharlika Investment Fund, inihain ng isang senador

Inihain ni Senator Raffy Tulfo ang isa pang hiwalay na panukala na nagsusulong sa pagbuo ng Maharlika Investment Fund.

Sa Senate Bill 1814 na inihain ni Tulfo, layunin ng panukala na magtatag ng Sovereign Wealth Fund para magkaroon ng matatag na budget, maisulong ang economic development at maitaas ang savings ng bansa.

Nakasaad sa panukala na ang paglikha ng MIF ay salig sa 2022-2028 Medium-Term Fiscal Framework (MTFF).


Dito ay magtatatag ng Maharlika Investment Corporation (MIC) na siyang mamamahala sa investments at kikitain ng Sovereign Wealth Fund.

Tulad sa panukala na pinagtibay sa Kamara at sa unang MIF bill na inihain naman ni Senator Mark Villar ang ‘seed money’ o inisyal na capital ng MIF ay magmumula sa Land Bank of the Philippines (LBP) na P50 billion at Development Bank of the Philippines (DBP) na P25 billion.

Ang ibang government financial institutions (GFIs) at government -owned and controlled corporations (GOCCs) ay maaaring magbigay ng kanilang kontribusyon sa MIF habang ang ilang dagdag na fundings ay maaaring kunin mula sa investments ng mga private financial institution at corporation na tinukoy naman ng Board of Directors.

 

Ang Board of Directors naman ay bubuuin ng 15 miyembro kung saan lima sa mga miyembro dito ay mula sa private sector, academe, business sector at investment sector.

Tinukoy pa sa panukala na ang sovereign wealth fund ay maaaring gamiting kasangkapan para matiyak ang paglago ng ekonomiya sa pamamagitan ng matatag na investment returns na may kaakibat na limitasyon para mapangalagaan at mapaghusay pa ang long-term value ng pondo.

Facebook Comments