Tuesday, February 17, 2026

Isa pang ilegal na bodega ng sigarilyo, nadiskubre sa Pampanga; mahigit P70 milyong halaga ng ilegal na sigarilyo, nasamsam

Isa pang panibagong imbakan ng ilegal na sigarilyo ang nadiskubre ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) sa San Simon, Pampanga.

Nadiskubre ito ilang oras matapos ilahad ni SILG Jonvic Remulla, PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., mga opisyal ng Bureau of Customs (BOC), Bureau of Internal Revenue (BIR), at Department of Agriculture (DA) ang tatlong bodega at manufacturing sites sa kaparehong lugar.

Ayon sa mga awtoridad, isang netizen ang nagbigay ng impormasyon sa pamamagitan ng text message patungkol sa pagkakaroon ng kahalintulad na bodega sa isang business Park sa Brgy. San Pablo Libutad, San Simon.

Nang puntahan ang nasabing ulat, ay nadiskubre ang presensya ng ilegal na sigarilyong may tatak na “Modern” at “HP” at iba’t ibang raw materials ng sigarilyo sa loob ng compound na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P70 milyon.

Bukod dito ay napag-alaman din na ang nasabing bodega ay walang kaukulang business permit.

Ayon kay Nartatez, nakikipag-coordinate na ang mga awtoridad para matukoy ang may-ari at o umuupa ng nasabing bodega.

Facebook Comments