Isa pang inosente sa Caloocan, napatay sa Oplan Galugad

Caloocan City – Ibinulgar ni Akbayan Rep. Tom Villarin na isa pang inosenteng biktima sa Caloocan ang napatay dahil sa Oplan Galugad na isinagawa ng PNP Caloocan.

Isang Jake Gueraldo, 25 anyos, taga-Caloocan ang nasawi din ng gabing mapatay ang grade 11 na si Kian Loyd delos Santos.

Si Gueraldo ay miyembro ng community theater group na Teatro Balangay sa kanilang lugar.


Ayon sa mga kamag-anak, binaril habang naliligo si Gueraldo pero iba naman ang sinasabi ng mga pulis na nanlaban ang biktima kaya napatay.

Giit ni Villarin, dapat na matigil na ang ganitong uri ng pagpatay sa kampanya kontra iligal na droga.

Dismayado ang mambabatas dahil na-reassign lamang ang mga pulis na sangkot sa pagpatay kay Delos Santos at wala man lang ipinataw na mabigat na parusa.

Bukod dito, nadidismaya na rin si Villarin sa Pangulo dahil sa kabila ng mga patunay na may mga nagsasamantalang mga pulis ay pinupuri pa ang mga ito dahil umano sa pagtupad ng tungkulin.

Facebook Comments