Iginiit ni Anakalusugan Party-list Rep. Ray Reyes sa Department of Health (DOH) na mas tutukan ang pagbibigay ng trabaho sa mga lisensyadong nurses bago ikonsidera na ilagay sa mga government hospitals ang mga nursing graduates na hindi pa nakakapasa sa board exams.
Mensahe ito ni Reyes sa harap ng isinusulong ni DOH Secretary Ted Herbosa na bigyan ng pansamantalang lisensya ang mga nursing board takers na nakakuha ng score na 70% to 74% para matugunan ang kakulangan ng nurse sa bansa.
Sobrang nakakalungkot para kay Reyes ang datos ng Professional Regulatory Commission (PRC) na 53.55% lang ng nursing board passers ang active at nagpapractice ng nursing profession.
Bunsod nito ay hiniling ni Reyes sa DOH na magsagawa ng pag-aaral para alamin kung bakit halos kalahati ng ating mga licensed nurses ang ayaw na maging nurse.
Samantala, bilang tugon sa kakulangan ng nurse sa bansa ay inihain naman ni Reyes ang House Bill No. 6631 na nagbibigay ng scholarship sa mga nursing students kapalit ng isa at kalahating taon nilang pagsisilbi sa mga pampublikong ospital.