Nanawagan si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na irekonsidera ang pagbabawal sa mga senior citizens sa mga quarantine areas sa paglabas sa kani-kanilang bahay.
Katwiran ni Rodriguez, marami sa mga nakatatanda ang physically fit pang magtrabaho tulad ng mga senior citizens na top executives sa iba’t ibang industriya at mga opisyal ng pamahalaan.
Mas delikado pa nga aniya para sa kanilang physical at mental health ang manatili lamang sa loob ng kanilang bahay, lalo na sa mga walang kasama sa bahay.
Sinabi ni Rodriguez na marami siyang natatanggap na reklamo sa pagbabawal sa mga senior citizens na makalabas ng bahay bilang bahagi ng umiiral na quarantine protocols.
Iginigiit aniya ng mga ito ang kanilang karapatan para bumiyahe at ang equal protection clause ng Saligang Batas.