Dumagdag na rin si House Committee on Civil Service and Professional Regulation Chair at Bohol Representative Kristine Alexie Tutor sa mga sumusuportang kongresista sa plano ni Health Secretary Ted Herbosa na bumuo ng National Nursing Advisory Council o NNAC at magtalaga ng chief nursing officer na may ranggong undersecretary.
Tiwala si Tutor na ang pagkakaroon ng National Nursing Advisory Council at Chief Nursing Officer ay epektibong bahagi ng polisya para matugunan ang mga problema at maliit na sweldo ng public at private nurses.
Kaugnay nito ay iminungkahi naman ni Tutor sa Department of Health na irekomenda sa Department of Labor and Employment ang paglikha ng isang wage and compensation system.
Sabi ni Tutor, layunin nito na masolusyunan ang hinaing sa sweldo, benepisyo at kondisyon sa trabaho ng mga nurse lalo na sa pribadong sektor na mas mababa ang sweldo kumpara sa government nurses.
Dagdag pa ni Tutor, maari ring magpatupad ng wage subsidy gaya ng service contracting program para sa private nurses dahil ang kanila namang trabaho ay isang public health function.