Nadagdagan pa ang mga lider sa Kamara na nananawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte na magpatawag na ng special session upang mapagtibay ang panukala na nagbabawas o nagsususpinde sa excise tax sa langis.
Pinamamadali na ng Kamara na maaprubahan ang suspensyon sa excise tax sa fuel sa gitna na rin ng posibleng pagsirit sa presyo ng krudo sa world market bunsod ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Ayon kay Deputy Speaker Rufus Rodriguez, sinusuportahan niya ang panukala ng kanyang mga kasamahan para sa pagdaraos ng “special session”.
Kailangan aniyang kumilos na ngayon ng pangulo at ng Kongreso bago pa man magsitaasan ang presyo ng krudo at domestic fuel.
Maaari naman aniyang magsagawa ng special session “virtually” upang maaksyunan ang panukala.
Giit pa ng kongresista, higit na mas may rason ngayon ang bansa para suspendihin ang excise taxes sa langis bunsod ng lumalalang krisis sa Ukraine at Russia na nakakadagdag pa ngayon sa epekto ng pandemya.
Umapela rin ang mambabatas kay Finance Secretary Carlos Dominguez na aralin ang magandang epekto ng kanilang proposal na magpapalakas sa economic activity dahil may panggastos ang publiko bunsod ng matitipid ng bansa sa presyo ng langis.