Isa pang lugar sa lungsod ng Maynila, nagtayo na rin ng community pantry

Isa pang lugar sa lungsod ng Maynila ang nagtayo o naglagay na rin ng mga community pantry.

Ito’y upang makatulong na rin sila sa ilang indibidwal na naapektuhan ng ipinapatupad na community quarantine dahil sa COVID-19.

Partikular na itinayo ang isang community pantry sa loob ng Intramuros kung saan pawang mga residente ng Barangay 655 hanggang 658 ang nabigyan ng food items.


Mismong ang mga guwardiya sa loob ng Intramuros ang namamahagi ng kape, biskwit, itlog, kamatis, bigas at mga delata.

Matatandaan na una na rin naglagay ng community pantry sa may bahagi mg P. Noval Street malapit sa University of Santo Tomas kung saan ang bawat residente ay makakakuha ng libreng gulay, bigas, delata at instant noodles.

Ayon sa mga organizer ng community pantry, naging inspirasyon na ang naunang paglalagay ng Maginhawa pantry sa Quezon City.

Sisimulan ang pamamahagi ng mga pagkain sa mga naturang community pantry mula alas-10:00 ng umaga hanggang alas-6:00 ng gabi sa P. Noval habang sa Intramuros ay alas-7:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali pero buong araw silang tumatanggap ng mga donasyon.

Facebook Comments