Kinumpirma ng Korte Suprema na naghain na rin ng liham para sa maagang pagreretiro si Associate Justice Edgardo Delos Santos.
Ayon kay Supreme Court Spokesman Atty. Brian Hosaka, usapin sa kalusugan ang dahilan ni Justice Delos Santos sa early retirement nito.
Sa June 12, 2022 pa sana magreretiro si Justice delos Santos kasabay ng kanyang ika-70 kaarawan.
Pero March 19 pa lamang ay nag-abiso na ito sa kanyang mga tauhan sa Korte Suprema.
Sa naturang liham, nagpasalamat si Justice Delos Santos sa kanyang mga tauhan at humingi ng paumanhin dahil kailangan na nilang maghanap ng trabaho.
Wala pa namang petsa ang pagreretiro ng mahistrado at depende ito sa pagtanggap at desisyon ng Supreme Court En Banc.
Una nang naghain ng early retirement si Chief Justice Diosdado Peralta at ang aaktong Officer-in-Charge ng Korte Suprema si Sr. Associate Justice Estela Perlas Bernabe.