Bukod sa siyam na alkalde, kinumpirma ngayon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na mayroon pang isang mayor na sumingit din sa inoculation ng mga healthcare workers.
Sa interview ng RMN Manila kay DILG Undersecretary Epimaco Densing III, inihayag nito na bine-beripika na nila ang pangalan ng nasabing alkalde na padadalhan din ng show-cause order.
Kasabay nito, sinabi ni Densing na mayroon na lamang hanggang bukas ang limang alkalde na nauna nang napadalhan ng show-cause order upang sumagot at ipaliwanag ang kanilang panig.
Ayon kay Densing, bubusisiin at ibeberipika ang magiging tugon ng mga alkalde at kung hindi magiging katanggap-tanggap ang mga paliwanag ng mga ito ay maghahain ang ahensya ng administrative charges sa Office of the Ombudsman laban sa kanila.
Aniya, suspensyon o di kaya ay pagpapatalsik sa puwesto ang posibleng kahihinatnan ng mga alkaldeng mapapatunayang sumingit sa priority list ng pamahalaan.