Isa pang Midwife ng RHU San Mateo, Pumanaw dahil sa COVID-19

Cauayan City, Isabela- Ikinalungkot ni San Mateo, Isabela Mayor Gregorio ‘Greg’ Pua ang pangalawang health worker na naitalang namatay kahapon, March 31, 2021 dahil sa COVID-19.

Sa isang pahayag, sinabi ni Mayor Pua na nakakapanghinayang ang pagkawala ni Josephine Figuracion, 45-anyos, midwife ng Rural Health Unit (RHU) na nakatalaga sa Sinamar Norte at residente ng Brgy. San Manuel.

Ayon pa kay Pua, may travel history ang health worker sa Cauayan City noong March 17 subalit nakasalamuha ng pasyente ang kasamahan nito sa RHU na una nang nagpositibo sa COVID-19.


Una nang sumailalim sa swab test si Figuracion noong March 19 at kalauna’y nagpositibo ang resulta nito sa virus.

Nabatid na may commorbidity na hyperthyroidism ang pasyente na kaagad din na inilipat sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) noong March 26 pagkaraan nitong sumailalim sa isolation sa Integrated Community Hospital.

Isinalarawan rin ng opisyal na isang masipag na frontliner si Figuracion noong ito pa ay nabubuhay dahilan para lubusan itong makilala ng publiko at kanyang mga kasamahan.

Ang namayapang si Figuracion ay 26 taon nang nasa serbisyo.

Isa rin sa mga naturukan ng unang dose ng COVID vaccine ang pumanaw na midwife.

Ipinaabot naman ng alkalde ang kanyang pakikiramay sa naulilang pamilya ng health worker na itinuturing na bayani.

Sa kasalukuyan, pito (7) na ang naitalang namatay dahil sa COVID-19 sa naturang bayan.

Pinaalalahanan naman ng alkalde ang publiko na iwasan ang palagiang paglabas ng bahay upang maiwasan ang posibleng pagkahawa sa virus.

📸 LGU San Mateo

Facebook Comments