Cauayan City, Isabela- Muling nadagdagan ang bilang ng mga sumukong rebelde matapos napagdesisyunang magbalik-loob sa gobyerno ng isa pang miyembro ng teroristang grupo sa Barangay Dibuluan, San Mariano, Isabela.
Nitong ika-17 ng Disyembre taong kasalukuyan, sumuko ang isang alyas “Jun”, 57 taong gulang, dating miyembro ng Yunit Militia at Sangay ng Partido sa Lokalidad sa ilalim ng Central Front Committee (CFC) ng Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley (KR-CV) sa tulong na rin ng 95th Infantry Battalion na nakabase sa bayan ng San Mariano.
Ayon kay alyas “Jun”, minarapat na lamang niyang sumuko dahil sa gutom, walang pahinga at wala na rin aniya silang ibang matatakbuhan at matataguan.
Isinama rin alyas Jun sa kanyang pagsuko ang isang isang (1) Elisco M16A1 rifle at isang (1) magazine na naglalaman ng sampung mga bala.
Sinabi naman ni Lieutenant Colonel Carlos B Sangdaan Jr, Commanding Officer ng 95IB, benepisyo mula sa gobyerno ang isa pang nagtulak kay alyas Jun na sumuko.
Samantala, dinala na sa headquarters ng 95IB ang baril at mga bala para sa karampatang disposisyon.