Isa pang opisyal ng Customs, nagsumite na rin ng resignation letter

Manila, Philippines – Nagbitiw na rin ang isa pang opisyal ng Bureau of Customs kasunod ng pagkakadawit ng pangalan nito sa pagpasok ng daan-daang kilo ng shabu sa bansa mula sa China.

Kinumpirma ni Ret. Col. Neil Anthony Estrella na naghain na siya ng resignation letter bilang director ng Customs Intelligence and Investigation Service o CIIS.

Ang resignation letter ay naka-address kay Pangulong Duterte na ipinadaan kay Customs Comm. Nicanor Faeldon.


Paliwanag ni Estrella, kailangan niya nang magbitiw upang paghandaan ang kasong isasampa laban sa kaniya kaugnay ng pagkakapuslit ng 600 kilo ng shabu.

Matatandaang nito lamang Martes, una na ring nagsumite ng resignation letter si BOC Import Assessment Service Director Milo Maestrecampo, upang maisalba aniya ang nabahiran niyang pangalan, gayunpaman sinabi ni Maestrecampo na handa siyang makipagtulungan sa imbestigasyon para sa ikalalabas ng katotohanan.

Facebook Comments