Isa pang bagong pasyenteng nabigyan ng anti-dengue vaccine na Dengvaxia ang pumanaw.
Ito ay batay sa bagong ulat ng Public Attorney’s Office (PAO).
Ayon kay PAO Forensics Team Chief Dr. Erwin Erfe, kinilala ang binatilyong biktima na si JC Albert Legaspi na namatay habang nagpapagaling sa Veteran’s Memorial Medical Center sa Quezon City nitong Miyerkules, November 25.
“Kahapon po siya ay namatay. Humingi po ng tulong ang mga magulang, mga kaanak sa Public Attorney’s Office at sa PAO forensics team upang ma-examine po ang labi ng biktima,” sabi ni Erfe.
Sinabi ng mga doktor na nagkaroon ng dengue si Legaspi at nabakunahan ng Dengvaxia ng tatlong beses noong June 2016, February 2017, at September 2017.
Sa ginawang autopsy sa labi ng pasyente, lumalabas na nagtamo si Legaspi ng multi-organ enlargement at bleeding.
Ipinaalala ni Erfe na naglabas ng babala ang Dengvaxia manufacturer Sanofi Pasteur na ang bakuna ay mayroong apat na adverse effects, kabilang ang severe dengue, anaphylactic reaction, viscerotropism, at neurotropism.
Pagtitiyak ng PAO na maghahain sila ng reklamo laban sa mga responsable sa pagkamatay ng pasyente.