Umabot na sa 72 ang bilang ng mga nasasawing tauhan ng Philippine National Police (PNP) matapos na maging infected ng COVID-19.
Ayon kay PNP Chief Police General Guillermo Eleazar, isa na naman ang nasawi sa kanilang hanay dahil sa virus.
Ito ay isang 42 anyos na Police Staff Sergeant mula sa Agusan Del Norte na nakaranas ng fatigue at hirap sa paghinga nitong June 14.
June 15 nang dalhin siya sa Municipal Health Center para magpa-checkup pero hindi siya agad na checkup dahil kinailangan muna niyang isailalim sa RT-PCR o swab test.
Kaya bumalik ito sa kampo at kinabukasan ay ginawa nito ang tradisyunal na tuob sa loob ng kampo at nag-hire ng massage therapist dahil sa masakit niyang katawan.
June 17 nang isugod siya sa ospital at sumailalim sa checkup at kinabukasan pa siya nai-swab test.
June 19 nang makumpirmang positibo ang pulis sa COVID-19 at ganap na alas-2:00 ng umaga nitong June 20 nasawi siya habang sumasailaim sa intubation.
Dahil dito, nagpaabot ng pakikiramay si Eleazar sa pamilya ng nasawing pulis at tiniyak ang tulong at benepisyong ibibigay para dito.
Sa kasalukuyan, may 97 bagong kasong naitala ang PNP Health Service kaya umabot na sa kabuuang 26,923 ang kaso ng virus sa PNP sa bilang na ito 1,840 ang active cases.
Pero good news pa rin dahil nadagdagan naman ng 123 ang bagong gumaling sa sakit kaya 25,011 na ang total recoveries sa COVID-19 sa PNP.