Isa pang pulis namatay dahil sa COVID-19

Umabot na sa 87 ang pulis na nasawi dahil sa COVID-19.

Ito ay matapos na may panibagong pulis ang binawian ng buhay dahil sa virus.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief General Guillermo Eleazar, ang nasawing pulis ay 43-anyos, may ranggong Police Staff Master Sergeant na namatay alas-5:00 ng hapon sa Casimiro Ynares, Sr. Quarantine Facility sa Montalban, Rizal nitong Sabado.


August 4 nang magsimula siyang makaranas ng sintomas ng COVID-19 katulad ng pagkawala ng panlasa at pang-amoy, ubo at sipon kaya agad nagpa-antigen test at RT PCR Swab test.

Habang nasa loob ng quarantine facility, siya ay mino-monitor ng mga tauhan ng Navotas Station Health Unit at nitong August 6, hindi na sumasagot sa tawag at messages ang pulis.

August 7, tumawag ang asawa ng pulis sa Navotas City PNP at sinabing patay na ang ang kaniyang asawa.

Sinabi ng PNP chief, nakikiramay ang buong PNP sa pamilya ng nasawing pulis at tiniyak na mabibigyan ito ng financial assistance.

Sa ngayon, mayroon ng 31, 497 PNP personnel ang infected ng COVID-19, 1,673 dito ay active cases.

29,737 naman ang kabuuang recoveries sa hanay ng PNP.

Facebook Comments