Inihain sa Kamara ang isa pang-resolusyon na nagpapa-imbestiga sa dumaraming kaso ng hacking at scams gamit ang digital banking system.
Inaatasan sa House Resolution 2478 ni Deputy Speaker Bernadette Herrera ang House Committee on Banks and Financial Intermediaries na siyasatin “in aid of legislation” mga bank-related hacks at scams.
Layunin ng panukala na makahanap ng paraan para mas mapalakas ang mga hakbang laban sa naturang uri ng pagnanakaw at panlilinlang at matiyak ang proteksyon ng publiko.
Tinukoy sa resolusyon na habang nasa gitna ng COVID-19 pandemic ay nakita ang kahalagahan ng “digitalized banking at transaction system,” pero ang mga lumalabas na hacking at scam ay nagdudulot ng pagkawala sa tiwala ng publiko.
Kabilang sa mga binanggit sa resolusyon ay ang nangyari noong Enero kung kailan ilang public school teachers ang nagreklamo na nawalan ng libo-libong savings o pera sa kanilang Landbank payroll accounts dahil sa “phishing scam”.
Naglabas din ng babala noong nakaraang buwan ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa publiko laban sa mga pekeng pera na maaaring ilabas ng automated teller machines (ATMs).