Inihain pa ng isang kongresista ang hiwalay pang resolusyon na nagpapasilip sa pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Kaugnay pa rin ito sa kontrobersiyal na red-tagging ng NTF-ELCAC sa ilang mga may-ari o organizer ng mga nagsulputang community pantry.
Sa House Resolution 1729 ni House Deputy Speaker Michael Romero, sinabi niya na hindi dapat ibalewala ang profiling at halatang red-tagging ng mga tagapagsalita ng task force na sina Lt. Gen. Antonio Parlade at Usec. Lorraine Badoy.
Dahil dito, hinihimok niya ang kaukulang komite na magdaos ng imbestigasyon “in aid of legislation” hinggil sa paggamit ng NTF-ELCAC sa pondo nito na nagkakahalaga ng P19.2 billion sa ilalim ng 2021 national budget.
Kung tatanungin ang mambabatas, ang naturang pondo ng NTF-ELCAC ay mas mainam aniya kung gagamitin bilang pagtugon sa COVID-19 pandemic.
Iminungkahi ng kongresista na ilipat na lamang ang budget upang makapag-bigay ng dagdag na ayuda sa mga Pilipinong nawalan ng trabaho sa kasagsagan ng pandemya, mapalakas ang contact tracing sa bansa, o kaya’y makapaglaan ng mas maraming kama sa mga ospital para sa mga COVID-19 patient.