Isa pang resolusyon ang inihain sa Senado para imbestigahan ang paglubog ng MV Princess Aya sa Laguna Lake sa may Binangonan, Rizal na ikinasawi ng 27 katao.
Sa Senate Resolution 705 na inihain ni Senator Raffy Tulfo, layunin nito na alamin ang lahat ng factors ng pagtaob ng bangka, gayundin ang mga lapses sa safety protocols o naging kapabayaan ng mga kaukulang ahensya at iba pang kinauukulang indibidwal.
Layon din ng pagsisiyasat na ma-i-update ang mga umiiral na batas at regulasyon tungkol sa maritime safety measures para matiyak ang proteksiyon ng buhay at ari-arian.
Partikular na ipapatawag sa pagsisiyasat ang Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (MARINA) para busisiin ang posibleng kapalpakan at kapabayaan ng mga ahensya kaya nangyari ang trahedya.
Nais din ni Tulfo na masampahan ng kaso ang mga matataas na opisyal ng PCG at MARINA sa ngalan ng command responsibility.
Tinukoy ng senador na sa kabila ng masamang panahon ay pinayagan ng PCG na maglayag ang pampasaherong bangka na lulan ang 70 katao na higit pa sa seating capacity ng bangka at wala pang life vests ang mga pasahero.