Isa pang resolusyon ang inihain para imbestigahan ang pagtaas ng “volume” sa importasyon ng isda.
Sa House Resolution 2472 na inihain ni House Deputy Speaker Loren Legarda, ipinasisiyasat sa kaukulang komite ng Kamara ang pag-aangkat ng mga isda kasama ang mga “frozen fish” gayong ang Pilipinas ay napapalibutan ng malawak na marine water areas.
Binanggit sa resolusyon ang nakakaalarmang pagtaas sa importasyon ng mga isda, kung saan pinakahuli rito ay ang inaprubahan ng Department of Agriculture (DA) nitong Enero 2022 na importasyon ng 60,000 metriko toneladang galunggong at iba pang isda.
Ikinakatwiran ng DA ang pinsala ng Bagyong Odette sa mga mangingisda at para mapunan ang “supply shortfall” sa unang quarter ng kasalukuyang taon.
Pero iginiit sa resolusyon na ang importasyon ng mga isda ay seryosong banta sa mga mahihirap na fishing communities.
Kasama rin sa irerekomenda rito ang “policy measures” para sa marine fisheries and aquaculture sectors, upang matiyak ang “food security” habang pinoprotektahan ang industrya at mga mangingisda gayundin ang matugunan ang problema sa pagbaba ng “output” sa pangisdaan dahil naman sa talamak na “overfishing.”