Isa pang resolusyon ang inihain sa Senado para sa pagkilala at pakikiramay sa pamilya ng yumaong dating Senador Rodolfo Biazon.
Sa Senate Resolution 652 na inihain ni Senate President Juan Miguel Zubiri, ipinahahayag dito ang simpatya at sinserong pakikiramay ng Senado para sa pumanaw na beteranong mambabatas.
Inilarawan ni Zubiri si dating Senador Pong bilang isang kampeon at tagasulong ng disente at abot-kayang pabahay gayundin ng seguridad at pandepensa ng bansa.
Sinabi ni Zubiri na mismong siya ay nakatrabaho si Senator Biazon sa pagsusulong ng Magna Carta for Homeowners and Homeowners Associations at nakita niya gaano ito kaingat at masigasig sa kanyang trabaho.
Dahil aniya sa military background na rin ng dating mambabatas kaya nadala nito ang disiplina at malinis na intensyon sa lahat ng ginagawa nito na naging standard din ngayon ng mga batang senador.
Ang nasabing resolusyon ng pakikiramay at pagkilala kasama ng unang inihain nina Senate Majority Leader Joel Villanueva at Senators Pia at Alan Peter Cayetano ay ipiprisinta sa pamilya Biazon sa gaganapin na necrological service ng Senado para sa yumaong senador sa darating na Lunes.