Inihain ni Senator Alan Peter Cayetano sa Senado ang isa pang resolusyon na layong imbestigahan ang pagbili ng Department of Education (DepEd) ng umano’y overpriced na mga laptop para sa public school teachers.
Sa Senate Resolution 134 ni Cayetano, inaatasan ang Committee on Accountability of Public Officers and Investigations na silipin ang P2.4 billion na halaga ng mga biniling laptop ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) para sa mga guro ng DepEd na sinasabing overpriced at napakabagal pa.
Nakasaad sa resolusyon na binili ang mga laptop gamit ang P4 bilyon na pondo na alokasyon para sa implementasyon ng Digital Education, Information Technology (IT) at Digital Infrastructures and Alternative Learning Modalities na bahagi ng Bayanihan to Recover As One o Bayanihan II Act.
Ang panukalang ito ay inaprubahan sa Kongreso noong Speaker pa ng Kamara si Cayetano pero inabot pa ng siyam na buwan bago nabili ang laptops para sa mga guro.
Iginiit ni Cayetano ang kahalagahan na maimbestigahan ang isyu upang matiyak ang integridad ng Procurement Service ng pamahalaan lalo’t ilan pang panukala ang nakahain sa Senado na nagpapaimbestiga rin sa nabiling learning gadgets para sa mga estudyante at mga guro.