Isa pang sasakyan na may kaugnayan umano sa pagkawala ng beauty queen at kanyang kasintahan, natagpuan ng pulisya

COURTESY: CIDG

Natunton ng mga operatiba ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang isang abandonadong SUV na hinihinalang ginamit na getaway vehicle ng mga dumukot sa beauty queen na si Geneva Lopez at kanyang nobyong Israeli na si Yitshak Cohen na nawawala simula pa noong June 21.

Ayon sa PNP-CIDG, natagpuan ang kulay puting SUV na inabandona sa gilid ng isang bahay sa Sitio Barbon, Brgy. Tibag sa Tarlac.

Nabatid na ito na ang ikatlong sasakyang nakitang kasama sa convoy ng nawawalang magkasintahan nang magtungo sila sa bibilhing lupa sa Brgy. Armenia, Tarlac City noong Hunyo 21.


Isinagawa ng CIDG ang operasyon matapos makatanggap ng isang tip mula sa isang impormante hinggil sa kinaroroonan ng abandonadong sasakyan.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng PNP – Highway Patrol Group ang sasakyang na sinasabing nakarehistro sa isang lalaking taga-Bacoor City sa Cavite.

Facebook Comments